Matapos ipasa ng Kamara ang panukalang pagpapaliban sa barangay at SK elections sa susunod na taon, nagdadalawang-isip sa ngayon ang Commission on elections kung tuluyan na bang ihihinto ang preparasyon o maghinay-hinay muna.

Ayon kay Comelec spokesman Director James Jimenez, ikokonsidera ng Comelec en banc na maghinay hinay muna matapos na maipasa sa Kamara ang panukalang pagpapaliban sa halalan.

Anim-na-milyong mga balota na umano ang naimprinta na nagkakahalaga ng P19-million. Nakapag-imprinta na rin aniya ng voter’s list ang local offices ng Comelec.

Gayunman, ayon kay Jimenez… kung sakaling malagdaan ni Pangulong Duterte ang panukala maari pa naman umanong magamit ang mga naimprintang balota sa 2018 election.

Sa ngayon ang kailangan umano ay dagdag na pondo para sa storage ng mga naimprintang balota.