bus3c

Inaprubahan ng Malacañang ang P26.5-B na skyway stage 3 project ng Metro Manila, na kokonekta ng Southern Luzon Expressway (SLEX) at Northern Luzon Expressway (NLEX).

Ayon kay DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya, “okay” na kay Presidente Benigno Aquino III ang proyekto na sisimulan na ang konstruksyon bago matapos ang taong kasalukuyan. Ito ang ikatlong bahagi ng Metro Manila Skyway Project.

Ang proyekto ay may haba na 14.2-kilometro na tatahak at makakaapekto sa daloy ng trapiko ng mga pangunahing daan ng Quezon Ave., Araneta Ave., Nagtahan at Quirino Ave. Subalit, sinegurado ni Secretary Abaya na malaki naman ang ginhawang idudulot ng bagong skyway upang gumaan ang trapiko ng Metro Manila sa pagbubukas nito sa taong 2016.

Ang proyekto na pupondohan ng Citra Central Expressway Corporation na kasapi ng San Miguel Corporation ay inaasahang magbubukas ng 16,000-trabaho para sa ating mga kababayan.