images (7)

Pangungunahan ng Empowered People’s Initiative and Referendum Movement Alliance (EPIRMA) ang pagsusulong na amyendahan ang ilang probisyon ng Saligang Batas. Ayon sa alyansa, kailangang baguhin ang ilang probisyon ng Konstitusyon na siyang nagiging sanhi ng katiwalian sa ating bansa.

Sa bisa ng Republic Act No. 6735 of “The Initiative and Referendum Act,” ang mga mamayan ay may kapangyarihan na magpanimula o may inisyatiba na amyendahan ang mga batas na isinagawa ng lehislatura o maging ang probisyon ng Konstitusyon.

Ang grupong EPIRMA ay alyansang kinabibilangan ng mga civil libertarian na mula sa iba’t-ibang sektor na nasa loob at labas ng bansa. Layon nito ang pagbabago at reporma upang tapusin na ang kurapsyon at magkaroon ng maayos at may kalidad na pamumuno at pamamahala sa ating gobyerno.

Ayon sa Republic Act 6735 kinakailangan na makalikom ng sampu hanggang labing dalawang porsyentong pirma ng mga botante na bumubuo ng 3% mula sa bawat legislative district upang maisampa ang petisyon sa Commission on Elections upang magsagawa ng referendum o plebisito.

Kasama sa mga maglulunsad ng paglilikom ng pirma ay sina dating Pangulong Fidel V. Ramos, dating Supreme Court Chief Justice Renato Puno, dating Senador Joker Arroyo, mga personalidad mula sa mga sektor ng akademya, simbahan, sining at kultura, mga negosyante, OFWs, gagsasaka at mangingisda, propesyunal, mga senior citizens at retirees, kababaihan at indigenous people, kabataan, at mga mangagawa.