12279244_188872018119745_5185252601497475405_n

Ni: Joy Quijano

Nagkakaroon ng UTI dahil sa bakterya mula sa dumi na maaaring hindi nahuhugasan kaagad at napupunta sa butas ng ari dahil sa maling direksiyon ng pagpunas at umaakyat ang mikrobyo pataas sa pantog. Isa pang itinuturong dahilan ay ang pagkababad ng basang diaper dahil nananatili roon ang bacteria, lalo na kapag mainit ang panahon, mas mabilis silang dumami. Mas prone ang mga babae sa UTI dahil magkalapit ang butas ng ari at puwet at mas maikli ang daluyan ng ihi. Gayundin ang mga batang mahirap dumumi. 

Ang pagbababad sa tubig na pinagliguan ay isa ring dahilan upang mapasok ng bacteria ang urinary tract. Kaya hindi dapat ang palagiang bubble bath sa bata. Ang ilan sa mga sintomas na maaaring may UTI ang bata ay ang mapanghi at malabong ihi, at kung minsan may dugo, pagsusuka, mataas na lagnat, walang ganang kumain, kawalan ng enerhiya at gana, pagpayat o di tumataba. Maiiwasan ang UTI sa pag-inom nang maraming tubig. Dahil kapag hindi madalas uminom ay naiipon ang ihi sa pantog na nagiging sanhi ng pagkakaroon ng mikrobyo rito.

Hindi dapat iwalambahala ang UTI, kapag madalas ang UTI sa mga baby, mas malaki ang posibilidad na magkaproblema sila sa kidney sa kanilang pagtanda.