pork-barrel-generic-20130717

Kung hindi itinago sa mata ng publiko kung papaano ginagastos ang buwis  ng bayan, hindi sana mangyayari ang karumaldumal na pagdarambong sa kaban ng bayan ng mga mangungulimbat. Wala sanang magkakalakas ng loob na mag-scam ng  “pork barrel” at Malampaya budget.

Hindi sapat ang saligang batas upang ipag-utos lamang sa mga mambabatas, partikular  ang kongreso kung papaano gagastusin ang buwis ng bayan o papaano ito gugugulin sang-ayon sa pangangailangan ng pamahalaan mag mula sa Malacañang hanggang sa gastusin ng barangay. Kailangan din ang “political will” ng departamento ng ehekutibo, lalo na ang presidente. Higit sa lahat, kailangang lubusang magampanan ng ikaapat na sangay ng gobyerno, ang media, ang pagsasapubliko ng pag-gastos ng mga opisyal ng pamahalaan.

Noong nakaraang 15th congress, pinatawing-tawing lang sa mababang kapulungan ang panukala Freedom of Information bill. Halos araw-araw nagbabangayan lamang sa media ang kampo ni Cong. Erin Tañada, ang nagsusulong ng panukala at ang kampo ni Cong. Ben Evardone na siyang chairman ng Committee on Public Information subalit halos di pa umuusad ang panukala.

Sa ngayon naunahan pa ng senado na maipasa ang panukalang batas na isinulong ni Sen. Gringo Honasan. Maging ang bagohan na si Senadora Grace Poe ay may sariling bersyon, sa kongreso naman ay pumapel na si Rep. Marcy del Mar. Oo, bilib na ang taong-bayan sa talas ng mga kukote ninyo. Subalit, panahon na upang maging batas ang Freedom of Information bill! Hindi kailangan ang payabangan sa plenaryo. Ang kailangan ng mamamayan ay ang pagkaka-isa ninyong mga mambabatas upang mapadali ang pagsasa-batas ng FOI. Nang sa gayon malaman ng mamamayan kung ano ang ginagawa ng gobyerno hindi lamang sa kaban ng bayan kundi ang pagsisilbing ginagawa nito.