Sa tuwing nalalapit ang holiday season ng pasko, laging tumataas ang tala ng mga taong nasusugatan mapa-bata man o matanda dahil lamang  sa paggamit ng mga paputok kaya nakapagpasya ang LGU sa Davao Region na maglunsad ng Executive Order no. 28 na layuning magbigay ng regulasyon at kontrol sa paggamit ng mga paputok at ibang pyrotechnic devices.

 

Ayon kay Superintendent Cydric Earl Tamayo, pinuno ng Regional Civil Security Group na ito’y nilagdaan at inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo, kung saan naglalayong limitahan ang paggamit ng mga paputok sa bansang Pilipinas. Kadalasang problema kasi kapag nalalapit  na ang pasko ay ang dami ng taong napapahamak o di kaya’y namamatay dahil lamang sa kapabayaang ito.

 

Ang Davao City at Sta. Cruz ay naglunsad na ng pag ban sa mga firecrackers kaya naman exempted na sila sa naturang EO. Dagdag pa ni Superintendent Tamayo na may iilan ng mga munisipilidad na nagsumite ng kanilang plano ukol sa Executive order no.28, sa Regional Operation Plans Division. Kabilang na rito ang BFP, DENR at DOH na siyang mamamahala sa firecracker zone.

 

Ang mga taong lalabag sa itinalagang zone ay huhulihin. Gayunman, maaari naman daw umanong gumamit ng mga pyrotechnic devices sa labas ng kanilang pamamahay basta may pormal itong pahintulot sa kinauukulan para masiguradong ligtas ang lugar na kung saan malayo ito sa mga materyales na maaaring maging sanhi ng sunog at iba pang insidente at kaagad ma-respondehan ang mga apektado ng pinsala.