Maguindanaocapitol

Nasawi ang isang lolo habang naospital ang isang buntis at maraming residente ng Shariff Aguak, Maguindanao ang nagpanic matapos pasabugin ng mga pinaniniwalaang myembro ng Philippine National Police ang ilang lumang bala at mortar noong Sabado.

Batay sa salaysay ng apo ng matandang lalaking nasawi, sobrang pagkagulat ang dahilan ng pagkamatay ng kanyang lolo.

Aniya, takipsilim noong Sabado nang umalingawngaw ang malalakas na putok sa bahagi ng Datu Hoffer, Maguindanao.

Ang bayan ng Datu Hoffer ay nasa itaas na bahagi lamang ng Shariff Aguak.

Iginiit pa niya na hindi sila inabisuhan hinggil sa anumang aktibidad ng pulisya.

Patuloy namang inaalam ng lokal na pamahalaan ng Shariff Aguak kung aling PNP installation ang nasa likod ng pagpapaputok ng mga pinaniniwalaang lumang bala.

Isa ang bayan ng Shariff Aguak sa naging sentro ng sagupaan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at armadong grupo sa mga nakalipas na buwan kung saan marami sa mga sibilyan ang lumikas at hanggang ngayon ay may pangamba pa rin.

(Benjie Caballero)