vol_1HE2

Lungsod ng Koronadal, South Cotabato. Abot sa mahigit 1,000 pamilya sa Midsayap, North Cotabato na apektado sa naganap na bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nabigyan ng relief assistance, kamakalawa.

Ang pamamahagi ng tulong ay pinangunahan ng Archdiocesan Shrine of Sto. Niño Parish Pastoral Council sa pakikiisa ng tanggapan ng unang distrito ng North Cotabato. Ang mga benepisyaryo na nabigyan ng family packs na may lamang bigas, noodles at canned goods ay kinabibilangan ng mga bakwit na pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center sa barangay Bual Norte, Salunayan, Agriculture at Tumbras.

Base sa datos ng Sto. Niño Parish Pastoral Council, ang nabanggit na mga bakwit ay nagmula sa barangay Palongoguen, Malingao, Nes, Tumbras at iba pang kalapit na mga barangay. Ayon kay Sr. Bebs Cabajon, ang relief operation ay ang kanilang madaliang tugon sa mahirap na sitwasyon ng mga apektadong indibidwal. Binigyang-diin pa ni Cabajon na patuloy ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng simbahan sa iba pang mga organisasyon at ahensya upang makapagbahagi pa ng tulong.

Samantala, inihayag naman ni P/Supt. Reinante delos Santos na ilang mga pamilya na ang nagsibalikan sa kani-kanilang mga lugar. Kahapon, abot na lamang sa 872 na mga indibidwal ang nananatili sa dalawang evacuation center sa Bual Norte at Agriculture Elementary School.

Sa ngayon, patuloy ang ginagawang hakbang ng lokal na pamahalaan at ng mga otoridad upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan at kapayapaan sa lugar.