Untitled-1uuuu copy

Suriin ng mabuti ang packaging bago bumili ng mga produktong pagkain lalo na mula sa naglalako, at pati na rin sa public markets, groceries at supermarkets dahil maraming manufacturers ang lumalabag sa pamantayang pangkalusugan. Naglipana sa merkado ngayon ang mga kemikal na pang-industriya na ginagamit na rin pati sa pagkain, ito ang babala ng Food and Drug Administration (FDA) noong nakaraang linggo.

Sa ipinalabas na FDA Advisory No. 2013-044, kumolekta ng 34 na samples ang kanilang mga inspektor mula sa National Capital Region at Region VII upang suriin ang mga ipinagbabawal na mga coloring. Kumpirmadong may sangkap na nakalalasong food coloring ang mga icing candy, mula sa Cebu Crown Grocery, gulaman mula sa Carbon Public Market, at bagoong na may tatak 7C’s mula sa Robinsons Grocery ng Talisay.

Ayon kay FDA acting director Kenneth Hartigan-Go, sa tatlong mga produkto ng pagkaing kontaminado ng NPC Rhodamine B, may lima pa na kailangan ng kumpirmasyon kung may sangkap na NPC Sudan.

Ang NPC Rhodamine B na kadalasan ay powdered ay hindi kinakain dahil ito’y isang uri ng kemikal na industriyal, na ginagamitbilang pampatibay at panlilinis ng sapatos, at ginagamit ding panghalo sa wax para sa sahig. Ang Sudan dye ay inihahalo sa shoe polish, oil, petrol at wax. Samantalang ang ibang Rhodamine B1 ay ginagamit ng siyentipiko bilang tracer sa tubig at airflow studies, gayundin sa molecular at cell biology studies.

“Ito’y nagdudulot ng kanser kalaunan dahil maihahalintulad ang lason nito sa mercury at iba pang arsenic at metallic na kemikal,” babala ng FDA.

Ayon sa FDA, mag-dududa na dapat ang mga mamimili kung matingkad ang kulay ng ibinebentang pagkain dahil posibleng may sangkap ito na NPC Rhodamine B at Sudan Dye, lalo na kung ito’y kulay pula o violet, na iba sa orihinal na kulay ng pangunahing produktong pagkain.

“The food processors of the 3 products are in violation of the FDA Act of 2009 (RA 9711) and the Consumer Act of the Philippines (RA7394) on adulteration of processed food,” dagdag ni Go.

Payo ng FDA sa publiko, bumili ng mga processed food sa mga lehitimong establisyemento at tingnan ang FDA registration number ng produkto at suriin ang mga ginamit na sangkap.

ANO ANG PATAKARAN NG FDA SA PRODUCT LABELING?

Iginiit ng FDA na maliban sa hindi rehistrado sa kanilang departamento ang mga produktong positibo sa Rhodamine B, ang labeling standards para sa mga produktong pagkain ay hindi sinunod ng mga manufacturers.

Ayon kay Go, nakasaad sa RA 9711 na ang mga lokal at imported na processed food ay kailangang rehistrado sa FDA. Ang requirement na ito ay dagdag pa sa mga permit na ibinigay ng Local Government Units (LGU) at ibang permit mula ibang ahensya ng gobyerno.

“Please read labels. Look for FDA registration numbers. Ingredients should be indicated. Look for a consumer hotline. Check expiry date,” ani Go patungkol sa dapat nakasaad sa label.

Subalit samu’t-saring reaksyon at katanungan naman ang natatanggap ng PBN patungkol sa patakaran ng FDA hinggil sa labeling. Ayon sa mga ambulant at sidewalk vendors, tila sa mga maliliit na negosyante lamang istriktong ipinapatupad ng FDA ang patakaran hinggil sa labeling.

Napag-alaman na maraming produkto ng malalaking kompanya, lokal at internasyunal nag-lipana parin sa merkado na walang nakalagay na FDA registration numbers.

Narito ang ilang produkto naikinwestyon ngayon ng mga maliliit na negosyante at konsumante kung mayroon bang pagkukulang o paglabag sa patarakaran ng FDA sa labeling:

QUAKER OATS  (LTO, CPR)

MILO  (LTO, CPR)

SAN MIG COFFEE WHITE  (LTO, CPR)

CHEEZ WHIZ  (LTO, CPR)

GOYA CRISPY CRUNCH  (LTO, CPR)

GOYA DARK CHOCOLATE  (LTO, CPR)

PANTHER ENERGY DRINK  (LTO, CPR)

MINUTE MAID PULPY  (CPR)

GATORADE  (LTO)

DEL MONTE PINEAPPLE

ORANGE JUICE DRINK  (LTO,CPR)

555 TUNA ADOBO  (LTO, CPR)

CENTURY TUNA LITE  (LTO, CPR)

CENTURY TUNA LITE  (LTO, CPR)

Sinubukang kunin ng PBN ang pahayag ng FDA tungkol sa mga ito, subalit kailangan pa raw ng pormal na sulat para sa interview.

Nakasaad sa website ng FDA, na kung may paglabag sa mga patakaran ng RA 9711, ipapa-confiscate o e-recall ang mga produkto, o maaaring ipasara ang estbalisyemento  ng FDA, at sa tulong na rin ng Centers for Health Development (CHDs) at Local Government Units (LGUs).

Pakamot-kamot nalang sa ulo ang mga sidewalk vendors dahil papaano at kung sapat ba ang pwersa ng FDA para istriktong maipatupad ang patakaran sa labeling kontra sa mga higanteng manufacturers?