Sa modernong panahon ngayon, tila mas malayo na ang nararating ng pag click at pagpindot kaysa sa paglalakad. Minsan hindi na kailangan pang pumunta ng opisina para magtrabaho. Hindi na nakakapagtakang marami na nga sa atin ang halos wala ng pisikal na aktibidad at halos buong araw ay nakaupo na lamang.

Masama sa kalusugan ang matagal na pagkaupo. Kapag ika’y madalas nakaupo ng 2 oras o mas matagal pa ay posibleng may komplikasyon ito ayon sa World Health Organization.

Ayon sa pagsusuri, puwede itong magdulot ng diabetes, pagkataba, pamamanhid ng paa at pagbuo ng dugo sa binti. Kapag lagi kang nakaupo, mas tataba ka dahil sa kakulangan sa ehersisyo. Ang pinaka-seryosong komplikasyon ng pag-upo ng matagal ay ang pagbuo ng dugo sa binti. Kapag nangyari ito, puwedeng lumipat ang namuong dugo patungo sa baga at mahihirapan huminga ang pasyente. Pulmonary embolism ang tawag ng doktor dito at ito ay nakamamatay.

Kaunay nito nadiskubre at napatunayan rin na nagiging sanhi ng sakit sa atay ang pangmatagalang pag upo ayon sa bagong pag-aaral mula sa South Korea.

Sa nasabing pag-aaral, napag-alaman ng mga mananaliksik na ang mga taong nakaupo ng 10 o mahigit pang oras kada araw ay mayroong 9% posibilidad na magkaroon ng nonalcoholic fatty liver disease (NAFLD) kumpara sa mga taong hindi pangmatagalan kung umupo.

May kinalaman din ang physical activity sa NAFLD: Ang mga taong physically active ay 20% mas mababa ang tsansa na magkaroon ng nasabing sakit kumpara sa mga taong hindi gaanong physically active, ayon sa pag-aaral na nailathala sa Journal of Hepatology.

Ayon naman sa professor ng metabolism and lifestyle medicine sa Newscastle University sa England na si Michael Trenell, sa kasalukuyan ay wala pang naaaprubahang gamot na magpapagaling sa sakit na NAFLD o nonalcoholic fatty liver disease, kung kaya’t ehersisyo at galaw-galaw ng katawan ang pansamantalang iminungkahi upang maiwasan ang naturang sakit.

Kaya naman mahalagang mag ehersisyo at dapat lamang maglaan ng sapat na oras para dito. Sa kabuuan, 150 minutong ehersisyo ang kailangan kada isang lingo, o 10,000 hakbang kada araw.