department-of-agriculture

Hindi nakapagtataka kung bakit dumaragsa ang bigas sa ating bansa mula Vietnam, Thailand, Burma, India, at kung saan-saan pang bahagi ng mundo. Alam ng mga bansang ito  ang kakulangan natin at mahigpit ang ating pangangailangan sa bigas. Kaya hindi malayo na samantalahin nila ang pagkakataong ito.

Ang National Food Authority (NFA) na binuo noong Martial Law sa pamumuno ni Emil Ong, ay nakatuon lamang sa lokal na produksyon ng bigas at suportahan ang mga Pilipinong magsasaka sa pamamagitan ng Masagana ‘99, malinaw ito sa mandato ng pagbubuo ng NFA. Subalit dumating ang panahon na kung anong ihip ng hangin ay biglang umangkat ang NFA ng bigas mula sa ibat ibang bansa.

Sinamantala naman ng mga tiwaling negosyante ang pagkakataong ito, kasapakat ang mga piling tiwaling opisyales sa NFA, at halos malunod nga tayo sa tone- toneladang legal na angkat at palusot na bigas, isama pa ang tone-toneladang donasyon na nanggaling sa ibang bansa, hanggang sa ito ay maging kalakaran na ng sistema.

Sa ibang bansa, hindi basta-basta tinatanggap ano mang produkto lalo’t itoy pagkain. May pagsusuring ginagawa ang kanilang mga kagawaran kung ano ba talaga ang komposisyon ng imported item. Ang tanong po ng sambayanan, may masusing pasusuri bang ginawa ang Department of Agriculture at NFA sa mga inaangkat na bigas mula sa ibang bansa? Ang Philrice ba ay tumutulong sa pagsusuri ng mga imported na bigas? Masusi bang tinututukan ng Food and Drug Administration ang pumapasok na murang bigas pati na ang mga donasyon mula sa ibang bansa?

Malaking problema ang kakaharapin natin kung pagpapabaya sa kalusugan ang pag-uusapan. Sabi pa nga, health is wealth – kaya nakasalalay rin sa kalusugan ng mga karaniwang mamamayan ang kaunlaran ng bayan. Sa makatwid, nararapat lamang na seguraduhin ng mga ahensya ng gobyerno na hindi makakasira sa kalusugan ng mga mamamayan ang mga inaangkat at donasyon na pagkain na isinusubasta o di kaya’y isinusubo sa mga nagugutom nating yaman ng bayan—ang mga pobreng manggagawa.

May kasabihang “kung ano ang iyong kinakain ay ganoon ka rin.” Ganoon ba kababa ang tingin ng gobyerno sa naghihikahos nating mga kababayan at pinakakain nalang ng mababang kalidad na, kontaminado pang imported rice? Sino kaya ang mas basura– mga tiwali at nagpaka-sasa sa pamahalaan, o naghihirap at ina-abusong sambayanan?