Sa Pilipinas, kinatatakutan ng karamihan ang puno ng balete. Pinaniniwalaan kasi na pinamamahayan ang mga ito ng multo, engkanto, at iba pang mga nakakatakot na mga elemento.

Pero ang isang baleteng nasa may gilid ng national highway sa isang munisipalidad sa probinsya ng Ilocos Norte, nilalapitan at kinagigiliwan.

Punung-puno ang balete ng mga perang papel at barya. Bukod sa peso bill, may mga foreign currency rin na nakasabit at nakaipit.

Galing ang pera sa mga taong may kanya-kanyang wish at naglagay ng anumang halaga ng pera sa puno.

Tinatawag ngayon ang balete na “wishing tree.”

Kwento ni Jolly Manzano, may-ari ng restaurant na katabi ng balete, nagsimula ang paniniwala mahigit apat na buwan na ang nakalipas nang may customer na balikbayan na unang naglagay ng pera sa puno.

Paniwala daw kasi ng balikbayan ay may dalang swerte ang balete.

Pinag-usapan ng mga residente ang nangyari hanggang sa sunod-sunod ang mga lumapit at naglagay ng pera sa puno.