doh-pitahc logos

Reklamong diumano’y “corrupt practice” at “grave abuse of authority” ang ihahain sa Ombudsman ng alternative medicine community laban kay Dr. Juvencio  F. Ordoña, direktor ng Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care (PITAHC) na sangay ng Department of Health (DOH).

Nakasaad sa reklamo ang diumano’y kawalan ng aksyon ng opisina ni Ordoña sa magkakasunod na sulat at paghingi ng linaw ng Dok Alternatibo Healing Ministries Association, Incorporated (DAHMAI) hinggil sa mga usapin patungkol sa kalakaran sa PITAHC.

Kung istriktong susundin ang batas, ini-uutos sa RA 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees), Section 5a (Duties of Public Officials and Employees), na lahat ng opisyales at trabahante ng gobyerno ay sasagot sa loob ng 15-araw, sa mga sulat, telegrama at iba pang komunikasyong pinadala ng publiko. Klaro rin sa Section 5(d) ng RA 6713 na dapat lahat ng serbisyo na kailangan ng sinuman ay agarang aatupagin ng mga opisyal at trabahante ng gobyerno.

Dahil dito, pinaninindigan ng DAHMAI na diumanoy nabalewala ni Ordoña, na isang mataas na opisyal ng DOH-PITAHC pa naman, ang kautusang ito ng batas.

Sa salaysay ni Edgar Delibo, namumuno sa asosasyon at Doctor of Ministry in Alternative Medicine (DMAM), may sampung (10) magkasunod na sulat ang ipinadala sa opisina ni Ordoña, subalit walang kaukulang aksyon o sagot man lang at paliwanag patungkol sa mga “intention, desire at querries” na importante sa pagsasagawa ng DAHMAI ng kanilang traditional at alternatibong pamamaraan sa pag-mentina ng kalusugan.

Napag-alaman na unang nagpadala ng sulat ang DAHMAI noong June 26, 2013 nakasaad dito ang intensyon ng DAHMAI na magbenta ng mga produkto ng PITAHC. Sinundan ito noong July 6, 2013, na intensyon ng DAHMAI na mag-avail ng Training and Advocacy Programs. At may follow-up letter pa patungkol dito noong July 28, 2013. Sumunod noong July 27, 2013, na humihingi ng letter of endorsement and assistance patungkol sa posibleng kakailanganin pa sa proseso ng FDA-LTO. Ibang sulat naman ang ipinasa ng DAHMAI na nagnanais na maging “active training institution” at mag collaborate sana sa PITAHC sa pagpapalawig ng RA 8423 (Traditional and Alternative Medicine Law of 1997). Panghuling sulat ay ipinadala kay Ordoña noong August 8, 2013 na humihingi ng impormasyon patungkol sa “guidelines and accreditation procedure on certain modalities.”

Walang sagot hinggil sa mga sulat na natanggap ang asosasyon mula sa opisina ni Ordoña.  Ang masaklap, kinatigan pa diumano ni Ordoña ang kumontra sa DAHMAI, partikular isang Algy Bacla (na isinuplong ng asosasyon sa kasong Qualified Theft), dahil mas inaksyunan pa ni ng hepe ng PITAHC ang sulat nito sa loob lamang ng anim na araw na ikinagulantang asosasyon.

Matatandaan na dahil sa simpleng sulat ni Bacla, nagsagawa ng raid sa gusali ng DAHMAI noong Agosto ang mga operatiba ng Quezon City Business Permits and Licensing Office (BPLO), na may kasama pang taga GMA 7 Imbestigador, complainant na si Bacla at isang nagpakilalang  representante ng DOH-PITAHC na si Lito Fruto.

Sinundan naman ito ng pagpapalabas sa telebisyon ng programang Imbestigador sa nasabing raid o search and rescue operation. Sa segment ng palabas, itinakwil ni Ordoña ang Dok Alternatibo at sinabi pa diumanong iligal ang operasyon nito. Subalit, pinaninindigan na isang lehitimong korporasyon ang Dok Alternatibo na may kumpletong rekisitos mula sa mga ahensya ng gobyerno at pinatunayan sa mga sulat na may intensyon na makipag-ugnayan sa PITAHC. 

Inamin ng president na apektado diumano ang reputasyon ng asosasyon at nadungisan ito. Dahil dito, maii-konsidera na ang kasiraan na resulta ng diumano’y raid ay maituturing na “corrupt practice” ng isang opisyal ng gobyerno.

PITAHC WALANG ALAM

Hugas-kamay naman ang PITAHC sa isinagawang raid or search and rescue operation sa gusali ng DAHMAI noong Agosto.

Sa panayam, aminado si Dr. Francis S. Ras, Health Education and Promotion Officer V na totoong dumulog sa kanila si Bacla at Fruto. Subalit, pinaninindigan nila na walang mandato mula sa kanila si Fruto o ang Quezon City BPLO na nanguna sa isinagawang raid.

“Ine-refer namin siya [Bacla] sa Quezon City dahil sila [QC] ang may saklaw sa inspeksyon [raid, o search and rescue operation] na ‘yan”, paliwanag ni Ras.

Nang matanong tungkol sa mga sulat ng DAHMAI na nag-udyok diumano upang mag-file ng reklamo kontra kay Ordoña, sinabi nilang iisa-isahin nilang sagutin, lalo na ang sinasabing complaint na ipapasa sa Ombudsman, sa tamang panahon.

“Matanda na si direktor, pero okey lang, karapatan naman ni Dok Alternatibo [Edgar Delibo] na magreklamo”, ayon kay Atty. Chai na ipinaliwanag na hindi nila pino-provoke ang DAHMAI hinggil sa pagsampa ng kaso.

Paliwanag naman nila, na may nakasaad sa sulat DAHMAI na walang magawa ang PITAHC. Halimbawa dito ang matulungan ang asosasyon sa pag-proseso ng permit mula sa Food and Drug Administration (FDA) dahil sila rin diumano ay nagpapa-apruba lamang din sa FDA ng kanilang mga produktong natural at herbal.

Mariin ding itinakwil ng PITAHC ang direktang kaugnayan nila kay Fruto. Anila, ang GLCAM at PITAHC ay may kasunduan tungkol lamang sa renta ng espasyo na ginawa umanong opisina at klinika ng grupo na kasapi si Fruto. Napag-alaman na may kontrata [lease contract] ang PITAHC at GLCAM hinggil sa renta at nagbabayad umano ng tseke ang grupo bilang buwanang renta. Subalit, mismong GLCAM diumano ay hindi konektado sa DOH-PITAHC.

Sa usaping baka isipin ng mamamayan na lehitimong sangay ng PITAHC ang GLCAM, ipinaliwanag nilang sadya nilang hindi inilagay ang pangalan ng PITAHC sa kanilang gusali upang maiwasan ang mis-representation. Kung mapapansin, nakalagay sa gusali ng opisina ng PITAHC ay “National Center for Traditional and Complementary Medicine”.

Sa ngayon may isinasagawa na umanong imbestigasyon ang PITAHC tungkol kay Fruto at sa operasyon ng GLCAM sa kanilang gusali. Pag-aaralan daw nila ang posibilidad na putulin ang kontrata nila hinggil sa renta ng GLCAM sa kanilang gusali upang maiwasan ang maling akalang, konektado sila sa GLCAM at binigyan nila ito ng “special treatment”.