Brain Aneurysm na dahilan ng pagkamatay ng aktres na si Isabel Granada, alamin ang mga sintomas!

Ikinamatay ng aktres na si Isabel Granada ang brain aneurysm o ang paglobo ng isang blood vessel sa utak. Para itong berry na nakasabit sa sanga ng puno. Maaari itong mag-leak o pumutok at magdulot ng pagdurugo sa utak o hemmorhagic stroke.

Ayon sa mga eksperto, ang mga palatandaan at sintomas ng aneurysm ay nakadepende sa lokasyon kung saang bahagi ng katawan ito nararanasan. Pero may mga kaso na walang anumang mararamdaman na sakit. Pero kapag pumutok ang aneurysm, magkakaroon ng internal bleeding na maaaring magdulot ng pagkirot, low blood pressure, mabilis na heartbeat at pagkahilo.

Pinaniniwalaan na ang ilan sa mga sanhi ng aneurysm ay ang pagkakaroon ng depekto pagkapanganak o congenital, puwede ring dulot ng iba pang sakit gaya ng hypertensive vascular disease at atherosclerosis o pamumuo at pagdami ng taba sa mga ugat .

Ang pagkakaroon naman ng high blood pressure, mataas na cholesterol levels at paninigarilyo ay magpapalala sa panganib para dumanas ng aneurysm ang isang tao.

Related image

Kabilang sa mga dapat bantayan ay ang maaaring pagdanas ng matinding pananakit sa bahagi ng sikmura, pelvic o lower back ng pasyente; paglabo ng paningin o pagkakaroon ng double vision, pagkalito o pagkawala ng malay nang ilang saglit, hirap sa paglunok, nabubulol o hirap sa pagsasalita, pagkamanhid o pagka-paralize ng isang panig ng mukha, mabilis na paghinga, mabilis na heart rate at matinding pananakit ng ulo na hindi pa naranasan sa buong buhay.

Ipinapayo pa rin ng mga healthcare providers na kailangan lang ay ang seryosong pagdisiplina para sa pagkakaroon ng pagbabago sa lifestyle at iwasan ang sobrang pagkapagod at higit sa lahat iwasan ang paninigarilyo.