Mayroon takdang haba ng tulog na nararapat na makuha ng bawat tao sa isang araw ayon sa isang sleep medicine specialist na si Dr. Michael Sarte.

Sa mga sanggol na nasa tinatawag na “developing stage,” dapat tumatagal ang tulog nang 8 hanggang 10 oras. Habang nadaragdagan ang edad, bahagyang umiikli naman umano ang tulog na kailangan natin.

Subalit kapag nakararanas ng “sleep deprivation” o kakulangan sa tulog ang isang tao, magkakaroon umano ng tinatawag na “sleep debt.” Ibig sabihin, kailangan itong mabayaran o mabawi pero paglilinaw ni Dr. Sarte, para masabing puyat ang isang tao, kailangang tatlong magkakasunod na araw siyang kinulang ng tulog.

Ang hindi pagtulog sa loob ng 7 hanggang 9 na oras ay may maraming masamang epekto sa ating katawan. Hindi lang eyebags ang nakukuha natin sa pagpupuyat.  At ang sleep deprivation ay maaaring maging sanhi ng pagkasira ng ating kalusugan.

Ayon sa may-ari ng Charlottesville Neurology and Sleep Medicine sa Virginia na si Chris Winter, kapag sleep deprived ang isang tao, ay lage siyang makakaranas ng gutom dahil ang utak ay hindi nakakuha ng sapat na energy mula sa pagtulog kaya naghahanap ito ng alterantive foods. Nag po-produce naman ang katawan ng sobrang hungry hormones na kung saan nanabik tayong kumain ng maraming sugar at fatty foods na siyang dahilan ng pagtaba.

Sa isang pag-aaral naman na isinagawa ng 1,400 participants noong 2005, ipinakita na ang mga taong kulang sa tulog o maikli lang ang oras ng pagtulog ay mas prone na ma-experience ang sintomas ng Type 2 Diabetes dahil sa hindi nito napoproseso ng mahusay ang glucose kapag kulang sa tulog.

Kaugnay nito ang pinakamalubhang maaaring idulot ng pagpupuyat ay hypertension. Bumibilis kasi ang pagtibok ng ating puso kapag kulang sa tulog o sleep deprived, kaya bumibilis din ang sirkulasyon ng ating dugo.

Sakit ng ulo naman ang pinaka-karaniwan at pinaka-nakakainis na epekto ng sleep deprivation. Sa katunayan malaki ang tyansa na ang kakulangan sa tulog ay mag trigger ng migraine.

Mapapadalas din ang iyong pagkakasakit dahil pinapahina ng kakulangan sa tulog ang ating immune system na lumalaban sa mga virus tulad ng ubo, sipon, at lagnat. Dahil dito, mataas ang posibilidad na magkasakit agad at pagkakaroon ng pangmatagalan at mas seryosong sakit at komplikasyon.

Gayunpaman, wala pa ring tatalo sa pagkumpleto ng tulog. Kaya hangga’t may pagkakataon, gawin ito. At para sa tuloy-tuloy na pagtulog, makatutulong kung pananatilihing kumportable ang iyong tulugan.

Ayon pa sa Philippine Society of Sleep Medicine, importante hindi lang ang oras ng pag-tulog kundi pati na ang kalidad nito.